MABINI GIRLS
(Ang Musikal)
Iskrip nina Augie Rivera, Jr. at Che Vista
Titik nina Melo Torres, Augie Rivera, Jr. Joel Sevilla,
Che Vista at Maan Juat
Musika nina Ricky Ibe, Boron Garcia, Kismet Icagasi,
Ging Candaliza, Blaise Gacoscos, Butch Alvarez
Sayaw: Ricky Ibe, Jasper Aviso, Christine San diego
Direksyon: BEHN CERVANTES
Katulong na direktor: Melo Torres
Tagpuan: Mga kalsada ng Ermita
Mga tauhan:
Yosi Vendor
Waitress
Singer
Dancer
Callboy-nobyo ng Singer
Bugaw-Nobyo ng Dancer
Pari
Politicians
Mga Manang (4)
Mga Puta (8)
AIDS victim
Inang Probinsyana
Mga Inang Kunsintidora (4)
Doktor
Mga Nars (4)
Mga Pulis (4)
Mga Kontestant (4)
Emsi ng Kontes
Mga Macho Dancers (3)
Mga Aktibista (10)
Mga Dayuhang Parokyano (10)
Mga Batang Prosti (3)
Prodyuser na Peke
Mabini Girls
Act I
Scene I
Maririnig ang "takatak" ng Yosi vendor, ang
tagapagsalaysay ng buong dula, mabagal muna at pagkatapos ay pabilis nang
pabilis. Kasabay nito ang unti-unting pagliwanag sa kinauupuan ng Yosi
vendor, tapos ay sa buong entablado. Hihinto sa pagtakatak ang Yosi
vendor, aawit ng "Ermita Noon." Makikita ang eksena (tableaux)
sa isa sa mga kalsada ng Ermita CIRCA 1960’s (May mga nagtitinda ng
prutas, handicrafts, antiques, souvenirs, mga Mabini Act etc. may Ilan
ding mga otel, coffee shops, restawran (e.g. "Los Indios
Bravos.")
YOSI VENDOR: "ERMITA NOON"
Titik ni Melo Torres
Ermita, ito ang Ermita
‘Sing ganda ng dalagang Pilipinas
Ang banal niyang kaisipan
Dulot ng abang simbahan
Ermita, aking Ermita
Unti-unting gumiginhawa
Sari-saring paninda
Ang ‘yong pag-anyaya
Mga prutas, handicrafts
Mga larawan at antigo
Taglay nila’y pangarap
At talinong Pilipino.
Sa Ermita’y matatagpuan
Sa Coffee shops at restawran
Mga simbolo ng kaunlaran
Siyang pang-akit sa dayuhan
Ipapakita ang mga pagbabagong nagaganap sa Ermita sa
pamamagitanng pag-ikot ng backdrop. Lalabas ang mga tao at maiiwan ang
Yosi vendor na magmamasid. Ang eksena’y magiging Ermita CIRCA 70’s
tapos ay 80’s. pasok ang mga tao – dayuhan, puta, bakla, callboy,
marino, batang pro, etc. ang lahat ng ito’y malungkot na minamasdan ng
Yosi vendor. Hindi siya pansin ng mga tao. Lalamlam ang ilaw at matitirang
maliwanag ang kinatatayuan niya. Aawit ang Yosi vendor ng "Ermita
Ngayon."
YOSI VENDOR: "ERMITA NGAYON"
Titk nina Melo Torres at Maan Justo
Ermita, ikaw nga ba?
Ba’t nagbago na?
Bakas ng ‘yong nakaraan na kay ganda
Nasa na Ermita?
Aking ermita
Ikaw ay di ko na kilala
Ang dati mong karangyaan
Ay isa na lang ala-ala
Ref. Nasaan na ang nakalipas
Noong kahihiyan ay may halaga
Noong iniingatan pa
Ang respeto sa sarili
Ano na ang nangyari?
Nasa’n Ermita, o, nasan ka?
Malalakas na tugtugan, mga ungol at yugyugan
Babaeng dating maselan, hinhin ay kinalimutan
Lumang Ermita’y di na puwedeng ibalik
Natulog siyang ginto, at gumising siyang putik.
Liliwanag ang buong entablado. Papasok ang 3 binibini
na magkakaibigan, at kakanta ukol sa kanilang mga pangarap at ambisyon.
Tatabi sa isang sulok ang Yosi vendor. Magiging back-up dancers ang
tableaux.
Waitress, singer, at dancer "Ermita, o,
Ermita"
Titik ni Melo Torres
SINGER AT DANCER: Ermita, o, Ermita
Ika’y tanging pag-asa
Sa’yo makakamtan
Tansong kapalaran
Ermita, o, Ermita
Sa’yo ako sasama
Sa’yo matatagpuan
Aking kinabukasan
SINGER: Ako ay aawit
Tinig ko’y mapang-akit
Ang trabahong pagkanta
Lunas sa problema
Ako ay magiging singer
Nang merong maitutulong
Sa pa,ilya ko sa Baler
Na lagi na lang nagugutom
DANCER: Ako ay mananayaw
Masdan ang aking galaw
Sa aking pag-indak
Umaasa ang aking mag-anak
Dahil sa pagsasayaw
Kikita nang malaki
At pagdating ng araw
Makakaahon din kami
WAITRESS: Ermita, o, Ermita
Lahat pinapakita
Tinig galaw at katawan
Mapagkakitaan
Ermita, o, Ermita
‘Wag ka na ngang mambola
Nalalaman na ng lahat
"Yang sakit na ‘yong kinakalat
Ako ay waitress kun
Na nagbabalatkayo
Nang hindi naman mabisto
Ang tunay kong trabaho
Hindi ako pihikan
Lahat ay papatulan
Hapon, Kano’t Iranian
Awstralyano’t kababayan
Basta lamang sa unahan
Di dehado ang puhunan
Papasok ang mga puta: Kakanta at sasayaw
MGA PUTA: "Hello, Hi, Joe!"
Titik ni Melo Torres
Hoy mundo kamusta ka?
Hanap mo ba’y konting ginhawa
Kung laman ang ‘yong gusto
Halika na’t magdo-do na tayo.
Depende sa presyo! at depende sa serbisyo
Ayoko ko nang nagdedehado at patingin muna ng pitaka
mo!
Hoy mundo! ‘tangna mo!
Akala mo kung sino kang gwapo
Sige na’t pumayag ka na
Kahit na lang limampung piso
Hoy supot! Lumapit na!
Hilig mo ba’y konting romansa?
Ang katawan ko’y nakaka-l
Tikman mo at makakaraos ka
Kumpletong rekado at halos parang bago
Malinis at bagong paligo at syempre pa, may pink card
ako
Hoy Mundo! Tangna mo! (3x)
YOSI VENDOR:
Buhay sa Ermita
Ay sadyang ganyan
Puri, laya, kaluluwa
Lahat nababayaran
Papasok ang mga dayuhang parokyano nila. Sayawan,
halikan, anuhan at kung anu-ano pang kalaswaan. Pasok din ang mga bakla,
callboy macho dancers, etc. Patuloy pa ang kalaswaan hanggang biglang
darating ang mga pulis RAID!!! Kasama sa mahuhuli ang waitress. Pasok ang
mga bugaw at kakausapin ang mga pulis. Maglalagay. Aalis ang mga pulis.
Aawit ang yosi vendor.
YOSI VENDOR: titik ni Che Vista
O hayan nakita nyo na?
Ganyan dito sa Ermita
Hindi lang mga kalaswaan
Pagbebenta ng katawan
Sentro pa ng kabulukan
Uso pati na lagayan
Walang magawa ang mga pari
O government authority
Sila ba ay masisisi?
Di na uso ang byani
Kung anak ay umuuha
Kahit pride ay nginunguya
Lahat ay masisikmura
Lagayan, lagayan
Puta bugaw matrona
Lagayan, lagayan
Pulis, pari, buong Ermita.
SCENE 2
Madaling araw. Walang masyadong tao sa kalye. Papasok
ang ilang manag na patungong simbahan. Ang mga dayalogo’y bibigkasing
parang sa pasyon.
Manang 1: O mapagpalang kalangitan
Bakit kay ginaw naman
Manang 2: Ooooo…o nga! Ooooo…o nga!
Sumusumpong ang rayuma
Bakit kasi ‘tong si Iluminada (manang 3)
Gusto’y kanyang unang misa
Manang3: Bakit hindi? Ayaw nyo noon?
Sa atin din ang unang ambon
Ng indulhensya ng kalangitan:
Kalinisan at kabanalan
Manang4: Siyanga naman! Tama siya roon!
At tayo rin unang makakakita
Kay father na kagandang lalaki
Na kinindatan ako kahapon
Manang3: Hay naku! Magtigil Ka!
Sa akin yata laging nakatingin
Baka ang ibig mong sabihin
Pumikit ng makita ka
(tawanan)
Hihintp ang tawanan kapag pumasok ang mga puta kasama
ang waitress. Magbubulungan ang mga manang, pagkatapos ay magpaparining.
(ala pasyon)
Manang1: Hindi nyo ba napapansin?
Sumama yata’ng ihip ng hangin
Manang2: Ooooo.o nga! Ooooo…o nga!
Ako yata’y masusuka
Manang3: Mahabaging langit!
Ito ba’y parusa?
Di ko na yata makakaya.
Manang4: kaya pala, kaya pala
Ako rito’y nangangati
May dumagsang binibini
Binibining binibili
Gaganti ang mga puta. Sarkastikong irap ang kanilang
mga dayalogo
Puta1: Hukliban! Hukluban!
Mga huklubang ito!
Puta2: Kulubot!Kulubot1
Mga amoy utot!
Puta3: Ang panghi, Ang baho!
Daig pa ang binuro!
Puta4: Ang panghi, Ang baho
Nasusuka ako
Waitress: Ganyan talaga ang amoy
Nang napaglipasan ng panahon
Amoy kili-kili
Binibining binubuni!
Maggigirian ang mga manang at mga puta na parang mga
manok na magsasabong. Pagkatapos ay mag-aaway sa pamamagitan ng awit sayaw
at galaw
MGA MANANG: "BB. BINIBILI"
Titik ni Augie Rivera, Jr.
Hesus! Marya! Hosep!
Ano to ng umihep?
Ke babahong mga usok!
Ang dala nito ay bulok
Masama sa katawan
Masama pa sa lipunan
Babaeng makasalanan
Hindi natin kailangan
Ang lipunang nabubulok
Ay muli pang pagtibok
Hesus! Marya! Hosep!
Ke haharot sa ibabaw
Ng isang entabladong mapusyaw
Ang umiinog na ilaw
Saliw ng kanilang malaswang sayaw
Marya Clarang kagalang-galang
Karangalan ay biglang nawindang
Salapi ang kabayaran
Sa nawarak nilang mainit na kandungan.
MGA PUTA: "BB. BINUBUNI"
Titik ni Augie Rivera, Jr.
Hesus! Marya! Hosep!
Ano nga ba tong umiihep?
Mga bungangang bagong nguya
Ng bebulgam ng matatanda
Mga ngipi’y nagkulay lupa
Hininga’y amoy hipa
O sayang sinauna
Amoy naptalina ka!
Sobrang pagkukunwari
Naagnas na ang ngiti!
Mga balakang na nirarayuma
Mga tuhod na pasa-pasa
Mga daliring di na magsawa
Sa butil ng rosaryo’t kandila
Ang galapong sa tapayan
Nangulila sa gilingan
Hanap pa ang katuparang
Maging sang putong malinamnam.
Matitigil ang pag-aaway ng dalawang grupo kapag
kumalembang ang kampana ng simbahan. Mapapayukong tila mananalangin ang
mga manang at mga puta. Bahagyang didilim. Aawit ang Yosi Vendor.
YOSI VENDOR:
Nasaan na ang nakalipas
Noong kahihiyan ay may halaga
Noong iniingatan pa
Ang respeto sa sarili
Ano na ang nangyari
Nasa’n Ermita, o, nasaan ka?
SCENE3
Ermita sa umaga. Maririnig ang tilaok ng manok at
liliwanag ang buong entablado. Aawit ang mga puta. Kasabay nito ay papasok
ang isang mabilis na sayaw. Pasok ang mga dyanitor, tourists, money
changers, etc. upang ipakita ang business ng Ermita sa umaga. Ipapakita
rin sa sayaw ng ang mga puta ay ginagamit at inaabuso kahit sa pagtulog.
Sa kanilang pagtulog, sila ay magiging set pieces—mga silya, mesa
counters, etc. na gagamitin ng mga tao sa umaga.
MGA PUTA: "UMAGA NA"
Titik ni Augie Rivera, Jr.
Umaga na! Umaga na!
Matulog na’t magpahinga
Manay maya-maya
Ay trabaho na gaga
Umaga(2x)
Umaga na! Umaga na!
Konting tulog at pahinga
Ang tangi naming kailangan
Umaga na! Umaga na!
E ano ngayon sa amin
Ang umaga ay gabi pa rin
Ang gabi ang araw namin!
(Gabi, araw…Araw, gabi)(2x)
Umaga na! Umaga na!
Matulog na’t magpahinga
Magpahinga na’t matulog na
Matulog na’t magpahinga… ho hummmm..
Tamang-tama matapos ang awitin ay set pieces na lahat
ang mga puta. Magpapatuloy ang eksena ng Ermita sa umaga sa pamamagitan ng
mga galaw. Papasok ang dancer na may hawak na karatulang "Wanted:
Dancer". Lalapitan niya ang mga tao at magtatanong. Lalapitan din
niya ang bugaw pero hindi siya papansinin ng lahat ng mga ito. Biglang
magsasayaw ang dancer para mapansin. Maya-maya’y kasayaw na niya ang
bugaw. Pagkaraan ng ilang sandali ay biglang maririnig ang
"takatak" ng Yosi Vendor. Lalabas ang mga tao at maiiwan ang mga
puta. Pasok ang musika ng "Ermita Ngayon". Unti-unting
magkakabuhay ang mga ito. Bahagyang lalamlam ang ilaw. Hapon na at ilang
oras na lang ay mabubuhay na muli ang Ermita. Makikita ang mga puta na
nag-aayos ng sarili. Unti-unting hihina ang musika at papasok ang
malalakas na sigawan ng mga aktibista.
SCENE 4
Padating ang mga aktibista na patungong US Embassy at
minabuting dumaan sa lugar na iyon upang anyayahan ang mga puta na sumama
sa kanila. May dala silang mga streamers atbp.
Mga Aktibista: Sumama na kayo! Sumama na kayo!(4x)
Mga puta! (Mag-alsa)
Mag-alsa! (Mga Puta)
Puta1: Anong problema ng mga ito?
Puta2: Hoy! Ano bang gusto nyong palabasin?
MGA AKTIBISTA: "BASE MILITAR"
Titik ni Augie Rivera, Jr.
Mga dayuhan sa aming bayan
Panay ang panlolokong kami’y iniingatan
Di nyo ba alam, kami’y lalaban
Kaya’t isisigaw, ipaglalaban nang malaman ninyo na…
Ang base nyo! Ang base nyo!
Di namin gusto
Wala namang umuunlad kundi ang interes ninyo
Inyong dolyar, armas nukleyar
Alisin nyo na ! kundi ngayon, kailan?
‘tang ina nyo! Itigil nyo na yang
military aid na strings attached naman
bakit ba ganyan, pinoy ay di alam
na sa pag-alis nila’y malapit na ang layang inaasam…
PUTA AT TIBAK: "SAGUTAN"
Titik ni Che Vista
Aktibista: Yes, yes yo! (2x)
Sumama na kayo!
Mga puta, mag march dito
Halina at kalagayan ay baguhin nyo
(Repeat 2x)
Puta: Ano, ano, sino ba kayo?
Ano na namang kaguluhan ito?
Kung walang magawa sa buhay nyo
‘wag na kaming pestihin dito
A: No, no, po! No, no ho
Hindi po kami nanggugulo
May gusto po kaming sabihin sa inyo
Sana kami’y pakinggan ninyo
Dahil ito’y para rin sa inyo
Waitress: No, no, no, no, no, no, no, no
Ayoko! Ayoko! Di namin type ang makinig sa inyo
Dahil marami pa kaming gagawin
At baka ma-bad-trip ang kustomer namin
A: Mga Kapatid! Hey you there, yes you there kayo ay
makinig
Hindi kami namimilit
Bukas ng Baya’y
Sa laban ng walang humpay
P: Say no! Ayaw namin!
Di nyo kami kayang bilhin!
Kayo kayo’yu lumayas na
At baka kayo’y ma-dead ma
A: Say, say… I say
Salot! Salot!
Ang mga base militar, Hindi kayo ang mga star
Kayo ay mga kawawang biktima dito sa invention war
Ng nabubulok na sistema, hoy tita, matauhan ka
W: Mga gago! Mga bobo!
Asa pa kayo! Na makikiisa kami sa mga tulad nyo
Alis, alis, Alis diyan
At kami’y nababato
A: Ulitin ang may*
Kami ngayon ay aalis
Ngunit adhikai’y walang mintis
Bagay na ito’y pakaisipin
Balang araw ay malalaman nyo rin
Kahit mundo ay baliktarin
Tama pa rin ang sinasabi namin
SCENE 5
Papasok ulit ang mga aktibista (iba na ang mga damit)
upang mag-ayos na mga dekorasyon atbp. para sa eksena ng pista. Sa gitna
ng entavlado ay may isang makeshift stage, nakatayo rito ang emsi.
Maraming taong nakapaligid sa stage, kabilang dito ang Singer at Callboy,
gayundin ang Dancer at ang Bugaw na naglalampungan.
EMSI: (rap eklat) ala super sonic
Mga Kaibigan
Mga Romano
Mga Kababayan
Mga Pilipino
Heto na, heto na
Ang pinakahihintay ninyo
Magagaling na mang-aawit
Ginintuang bingwit
Kaya’t tama na ang sobrang suspense
Pagka’t lahat tayo ay nate-tense
I say let’s start and let’s begin
Paligsahan sa pagkanta’y panoorin
Yeeeheeeyyyyy!!
Habang kumakanta ang kontestant #1 ipapakta sa isang
sayaw ang pagtatagpo ng Singer at ng Callboy. Matapos nito ay kakanta ang
Singer ng "Tulad ng Isang Pangarap":
SINGER: "TULAD NG ISANG PANGARAP"
Titik ni Che Vista
Kay tagal kang hinintay
Hinanap kung saan-saan
Kay tagal nang panahong
Walang napupusuan
Tulad ng isang panaginip
O pangarap na kay layo
Nakapiling sa pag-idlip
Paggising naglalaho
Ngayong ikaw ay naririto na
Mundo ko ay nag-iba
Ang puso’y binigyang buhay
Damdami’y binigyang kulay
Binigyang pag-asa
Pangarap ay naaabot na
Kaytagal kang hinintay
At ngayon nga’y natagpuan
Habambuhay ikaw lamang
Aking mapupusuan
Tulad ng isang pangarap
Ikaw lamang ang dalangin ko
Ngayong ikaw ay natupad
‘wag na sanang maglaho
Sana’y huwag nang lumisan
Buhayin ang katauhan
Aking pangarap, huwag akong iwan
Maging akin magpakailanman.
Habang kumakanta ang kontestant #3, ipapakita sa
pamamagitan ng galaw ang eksena ng Singer, Prodyuser na peke at Callboy.
Inaakiy ng prodyuser na peke ang Singer na sumama sa kanya upang sumikat;
ayaw siyang payagan ng Callboy. Pagkatapos ng kontestant #3 papasok ang
emsi upang ipaalam ang 5-pagitan. Aawit ang panauhin mula sa
showbiz.___________
Pagkatapos ay ipapahayag ang nagwagi. Ang Singer
syempre. Kakanta uli ang Singer. Pagkatapos ay lalabas siya kasama ang
prodyuser na peke. Maiiwang malungkot ang callboy. Maya-maya’y papasok
ang isang matrona. Sasama ang Callboy. Aawit ang Yosi Vendor.
YOSI VENDOR:
Nasaan na ang nakalipas
Noong kahihiyan ay may halaga
Noong iniingatan pa
Ang respeto sa sarili
Ano na ang nangyari
Nasa’n na Ermita, o, Ermita
SCENE 6
Bahagyang didilim ang entablado. Magbabalik ang dating
Ermita sa gabi. Kaunti pa lamang ang mga putang makikita at isa rito ang
Waitress. May 2 o 3 parokyano ang darating at makukuha ang ibang puta.
Matitira ang Waitress na naghihintay pa rin. Ang yosiboy ay magmamasid sa
lahat ng pangyayari. Aawit ang Yosi Vendor.
YOSI VENDOR:
Ang kawawa nating Callboy
Iniwan ng sinisinta
Ano pa bang magagawa
Kumapit na sa matron
May pag-asa pa nga kaya
Sa pagiging manganganta
Sa labas ng Ermita
Anong magiging buhay niya?
Ano kayang mangyayari
Sa ating singer na seksi
Huwag lamang kayong aalis
Abangan babalaik kami.
TIME WARP. Ipapakita ang pagdaan ng panahon sa
pamamagitan ng sayaw galaw pagpapalit ng ilaw at set.
Makikitang pabalik ang singer na malungkot na malungkot
at may ilang pasa sa katawan. Hindi pala totoo ang lahat ng ipinangako ng
prodyuser. Aawit ang Singer:
SINGER: "PAGSISISI"
Titik ni Joel Sevilla
Buong Akala ko ang hatid niya ay galak
Yun pala ay putikan din ang aking bagsak
Huli na nang malaman kong siya’y nanananso
Buong pagkatao pala niya’y tubog sa ginto
Simple lang naman ang gusto kong pagbabago
Pero wala ring nangyari sa tanging pag-asa
Ano pa nga ba ang nararapat kong gawin
Ang mga pangarap ko ay laging nabibibtin
CALLBOY: "PAG-ASA"
Titik ni Joel Sevilla
Patuloy pa rin ang pag-ikot ng daigdig na ito
Huwag kang mag-alala at makakaahon din tayo
Panibagong buhay para sa ating kinabukasan
Tibay ng dib-dib ang sandata sa tatahaking daan
SINGER AT CALLBOY:
Ating iiwan ang mapait na buhay na ito
Bago tayo tuluyang malubog sa gulo
Habang may hininga ay may pag-asa tayo
Na matagpuan ang sarili nating mundo
Papasok naman ang Dancer at ang nobyong Bugaw. Masaya
silang aawit tungkol sa kanilang plano na pagpunta ng Dancer sa Japan. Ang
Bugaw ang umasikaso ng mga Papeles. Makikinig ang Singer at ang Callboy.
DANCER "JAPAN"
Titik ni Joel Sevilla
Paalam sa lahat kong kaibigan
Sosyal kong kagandahan, tutungo sa Japan
BUGAW: Siyang tunay, sa Japan ay aprub ang buhay
Umayaw ka at tatanggi sa palay
DANCER: Maraming salamat Ermita sa mga alaala mo
Sa aking pagbabalik ay donya na ako
BUGAW: Malaki ang kikitain, huwag mo nang palampasin
At hindi magtatagal, tayo ay makakaahon
DANCER AT BUGAW: Ito na marahil ang sweteng
pinakahihintay natin
Sa Japan lasap ang tunay na ginhawa
Hoy sakang, kami’y narito na!
Ang apat na mangangarap ng Bagong Buhay habang ang Yosi
Vendor ay masayang nagmamasid. Walang pakialam ang Waitress at ang Bugaw.
SINGER, CALLBOY, DANCER, BUGAW AT WAITRESS:
"BAGONG BUHAY"
titik ni Joel Sevilla
S: Ang mga mata’y mulat na sa katotohanan
Ngayon natagpuan ko ang liwanang sa karimlan
W: At sinong nagsabi na may liwanag sa dilim
B: Ang buhay sa labas ay mas makulimlim
D: Kahapon ko’y nagdaan na walang kabuluhan
Ngunit ngayon ay gising na ako sa katotohanan
W: Matulog ka uli at baka bangungot lang ‘yan
B: Tumigil ka na sa iyong kahibangan
C: Panahon na upang tayo’y lumisan sa putikan
Mga pangarap natin ay biglang kahulugan
W: ‘Wag kayong mangarap ng hindi kayang abuti
B: Kahit ano ang inyong gawin, sa putahan din kayo
pupulutin
KORO: Mapait na kahapon ay atin ng iwan
Hanapin natin ang tunay na kaligayahan
Di na muling dadaan sa ganitong uri ng landas
Tuwid na pamumuhay ay ating taglay hanggang wakas
Aawit ang Yosi Vendor:
YOSI VENDOR: "KUMUNOY"
Titik ni Che Vista
Ito ang ating tahanan
Isang mabahaong basurahan
Na kung tawagin ay lipunan
Laganap ang kahirapan
Lumalala ang karahasan
Tao sa tao naglalaban
Lipunang basurahan
Kinakainan, kinalalakhan
Inaaralan, dinadasalan
Humihilang pababa
Kumunoy, kumunoy
Unti-unting pumapatay
Kumunoy, kumunoy
Ito na ang sistema
Wala na tayong magagawa pa
Mabubuhay at mamamatay
Walang pag-unlad ang buhay
Kumunoy, kumunoy
Walang atrasan
Kumunoy, kumunoy
Dahan-dahang kamatayan.
INTERMISSION
ACT II
SCENE 1
Isang inang probinsyana ang naghahanap ng kanyang anak
na naglayas at balita niya’y nagtatrabaho sa lugar na iyon. Ermita sa
umaga. Uulita ang SCENE3 ng ACT I kung saan ang mga puta ay ginagamit na
set pieces. Aawit ang inang probinsyana habang nililigid ang Ermita at
hinahanap ang anak.
INANG PROBINSYANA AT YOSI VENDOR:
"METAMORPOSIS"
Titik ni Augie Rivera, Jr.
IP: Anak, nasaan ka na ba?
Sabi nila’y uod ka na
O mahinhin ong mimosa
YV: ngayo’y laging nakabuka
IP: Munti kong rosas na banal
YV: mga talulot ay bakal
At nektar ay artipisyal
IP: Dati’y mistula kang istatwa
YV: Ngayo’y magaslaw siya sa mesa.
IP: Mga pilapil na tahak mo
YV: Ngayo’y mas maputik na Ermita
IP: Bituin na dati mong liwanag
YV: Disco Layts sa matang nabasag
IP: Kagandahang noo’y busilak
YV: Kubliha’y koloreteng tambak
IP: Kutsinta noon sa kandungan
YV: Ngayon ay Halimaw ng Laman
Mga pitaka ay may laman
IP: Anak, uod ka man ngayon
Ito ay para ka maging
Paru-paro rin bukas
Makakakita ang inang probinsyana ng isang tympok ng mga
inang nagbibinggo: ang mga Inang Kunsintidora! Tutuksuhin siya ng mga ito
na pabayaan na lamang ang anak.
IK1: Naku huwag mo nang hanapin ang anak mo dito dahil
hindi mo na makikita iyon
IK2: Siyanga naman. At bakit gusto mo pang alisin dito
‘yon. Yung anak ko nga ang husay ng kita. Yan pa nga ang ikinabubuhay
namin
IK3: Yung anak ko nga e nasa Istets na ngayaon at
nakapangasawa ng Kano. Ayun lagi akong pinadadalhan ng dolars!
IK4: At saka siguradong nag-eenjoy na dito iyon kaya
hayaan mo na!
IK1: Paano namang hindi e mas masarap yatang
makipaghalikan sa mga Kano kesa sa mga kalabaw sa probinsya ninyo.
(Magtatawanan)
mapipikon ang inang probinsyana at akmang lalaban nang
nabigla silang lahat sa nakita: may mga pari at mga opiosyal ng pamahalaan
na darating upang magsagawa ng clean-up drive sa Ermita. Magsesermon ang
pari at magbibigay ng katakut-takot na pangako ang politicians. Sila ay
magsasayawan habang umaawit. Papasok ang mga manang at pulis at kasama ang
mga ina kunsintidora at inang probinsyana at magiging back-up ng pari at
politicians.
PARI AT POLITICIANS: "MORALIDAD"
Titik ni Maan Juat
Pari: Hoy mga babaeng makasalanan
Init ng impyerno’y naghihintay
Si Satanas at ang mga diyablo’y
Magsasaya sa inyong pagkamatay
At ang mata ng Diyos sa langit
Ay nakatitig sa inyong lahat
Kahit sukdulan siya ng bait
Ay isisigaw niya sa tindi ng galilt
Korus ng Manang: PARUSAHAN!!!(4x)
Politicians: Kababayan kong minamahal
‘wag na kayong mag-alala
Kapag ako’y inyong inihalal
Ang kadilimang ito’y mawawala
Ako ang solusyon problema
Ako na ang in-charge sa Ermita
Kung ako’y inyong isasabalota
Ay tutulungan ko ang bawat isa
Korus ng Puta: TUTULUNGAN!!!(4x)
Pari: Hindi lalagpas sa mata ng panginoon
Ang kasalanan at kamunduhang ito
Mga Kampon ni Lucifer!
Mga lahi ng demonyo!
Korus ng Manang: PARUSAHAN!!!(4x)
Politicians: Ako ang pag-asa ng lipunan
Kaunlaran at kalayaan ng bayan!
Korus ng Puta: KALAYAAN!!!(4x)
Korus ng Manang: NAKAKADIRI KAYO!
MGA TAONG WALANG MODO!
QUE HORROR! O BIRHENG MARIA!!!
HALLELUJAH!!!!
Korus ng Puta: LUYA, LUYA
Lahat: Aaaaaaaaaa-----MEN!!!!
Pagkatapos ng kanta ay lalabas lahat ang mga tao.
Maiiwan ang mga putang ginamit bilang set pieces.
SCENE 2
Papasok ang mga doktor at nars upang isagawa ang VD
testing. Ang test ay isang mabilis at masayang sayaw at galaw. Matapos ang
sayaw ay makikitang may mga hawak ng pink card ang mga puta, ang mga
"lisensya" nila.
SCENE 3
Didilim nang bahagya ang entablado maliban sa isang
bahagi kung saan makikita ang isang matandang puta na namamatay sa sakit
na AIDS. Pinapayuhan niya ang waitress na maging maingat at matatag.
AIDS VICTIM: "MGA HULING SANDALI"
Titik ni Augie Rivera, Jr.
‘dantaon na ang lumipas
tinig ko ngayo’y tumatagas
kasabay halos ng pagtakas
na nalalabi pang mga bukas
tinig kong limot na ang pag-awit
ngayo’y pilit na namimilipit
habang bumabangas ang pulang araw
upang bawiin ang kanyang tanglaw
lumalatay na ang ginto sa binti
paglao’y sa lupoa itutupi
tulad ng nabubulok na mithi
ililibing na lang ng pighati
halimuyak na naligtaan
bubuyog ba ay nasaan
nasaan din ang dating kinang
sa kakakula’y kinalawang
‘dantaon pa ang darating
sana’y tulad ng dati pa rin…
ngunit sinisipsip na ng hangin
ang kandila kong aandap andap
tulad ng pundidong alitaptap
sa kadilima’y nagsisikap
naghahanap at nangangarap
nais ko uling umawit
hanggang may dantay pa ng init
at namnamin bawat pintig
bago mapipi ang tinig.
Pagkatapos ng awit ng matandang puta ay may lalapit na
parokyano. Tatanggihan niya ngunit tatanggapin rin ng waitress.
Pagkatapos umawit ng matandang puta ay aawit ang Yosi
Vendor
YOSI VENDOR: "HANGGANG KAILAN"
O, babae ng Ermita
Kailan ka ba madadala
Pakinggan mo ang babala
Ng mga nakaranas na
Sa kabila nitong sumpa
Sakit na nakakahawa
Arya ka pa rin ng arya
Nabibighani ng pera
Bakit hindi maubusan
Ng puta sa ‘yong lansangan
Ermita ang kasagutan
Sa kumakalam na tiyan
Bakit, o bakit nga ba?
Anong klase itong sistema
Katawan ay binebenta
Hanggang kailan o Ermita?
SCENE 4
Mririnig na muli ang takatak ng Yosi Vendor at
magsisimula na naman ang eksenang Ermita sa Gabi. Magliliwanag na muli ang
buong entablado. Magkikislapan ang mga ilaw. Maingay. Tawanan. Sayawan.
Halikan, landian at kung anu-ano pang kalaswaan. May mga nagsasayaw na
macho dancers at mga talop na babae. Enter again rally. Patuloy pa ang
kalaswaan hanggang dumating ang mga pulis at magkaroon na naman ng isa
pang raid. Makaakrinig ng isang malakas na putok at makikita ang waitress
na pinoprotektahan ang isang aktibista. Dadalhin ng mga pulis ang mga puta
kasama ang Waitress. May papasok na magsasayaw na mga pulis na may
dala-dalang bars ng selda. Didilim ang bahaging ito ng selda.
SCENE 5
Sa natitirang bahagi ng entablado ay may liwanag.
Madaling araw sa Ermita. Kakaunti ang mga tao sa kalsada dahil sa raid ng
nakaraang gabi. Mayroon pang mga batang prong naggagala. May isang
pedophile na hinahalay ang isang bata. Darating ang isang pulis at
huhulihin siya. Maglalabas ng dolyar ang pedophile at iaabot niya sa
pulis. Kukunin ng pulis ang pera pero lalagyan pa rin ng handcuff ang mga
kamay ng pedophile at huhulihin. Lalabas ang pulis na kaladkad ang
pedophile. Maiiwan ang batang kasama ng pedophile at aawit tungkol sa
buhay at pangarap. Ang Yosi Vendor na nagmamasid sa pagitan ng selda at
Ermita ay makikisabay sa awitin ng bata.
YOSI VENDOR AT BATANG PRO :
"BUHAY"
titik ni Joel Sevilla
BP: Bakit ba ganito ang mundo?
Puro dusa, away at gulo
YV: Bata, o bata
Huwag kang mabahala
Ang buhay ay sadyang ganyan
May luha, may tuwa
May takot at may saya
May damdaming magkakaiba
At huwag kang mag-alala
BP: Pangarap ko’y makapagkolehiyo
Marangyang buhay, hindi tulad nito
YV: Tulad mo, ako’y nangarap din
Kasawian ang naging akin
Kaya tibayan mo ang iyong damdamin
Pag-asa laman ang laging isipin
At bukas sa iyong paggising
Ang buhay mo ay magbabago rin
BP: Bakit pa tayo naririto
Sa lansangang walang puno’t dulo?
YV: Bata, o, bata
‘wag kang mag-apura
Ang nais mong kasagutan
Ay iyong makakamtan
Ngunit sa ngayon ay maghanap sa dilim
At makinig sa bulong ng hangin
At bukas sa iyong paggising
Ang buhay mo ay magbabago rin
BP: Sino ka ba at sino naman ako
Sino ba tayo dito sa mundo?
YV: Tayo’y mga taong bulag at bingi
Walang kilala kundi sarili
Kung tayo’y magpapakatao
Mapapawi rin ang dilim
M,agtutulungan, magbibigayan
Pagmamahal ang siyang tandaan.
SCENE 6
Liliwanag ang bahagi ng selda. Magkakatuwaan ang mga
babae. Isasalaysay ng waitress kung paano siya nakapasok sa ganoong
trabaho. Sasaliwan ng sayaw ng lahat ng babae ang awit ng waitress.
"ARAY"
titik ni Melo Torres
Aray!
Ako ay labing apat
Nang mabansagang darat
Nagpahawak sa kamay
Pinalayas tuloy ni Nanay
Umiyak nang umiyak at ang sabi ko’y
Ref. ARAY! ARAY! Ayoko nang mabuhay
Kapag ika’y babae, o kay dami mong aray
ARAY! ARAY! Hindi na ako nasanay
Bawat minuto ay isang aray.
Napdpad sa Maynila
Pumasok bilang yaya
Ang bata ay napilay
Nagalit ang may bahay
Ginulpi at pinalayas at ang sabi ko’y--(Refrain)
Nagpunta sa Ermita
Naging isang hustisya
Natipuhan ng yakuza
Dinala ako sa kasa
Nang ako’y mabinyagan, ang sabi ko’y—(refrain)
Nang matapos pagsawaan
Ako’y pinagpasapasahan
Nang ako ay matauhan
May laman na ang tiyan
At ang sabi ko’y – (refrain)
Ngayo’y kulang ang aking buhay
Kung hindi umaaray
Lagi kong hinihintay
Hinahanap ang ARAY!
Aray! Aray! O kay sarap ng buhay
Kapag ika’y babae, kay sarap mong umaray
Aray! Aray! Ako’y di na nasanay
Sa mga gabing walang aray!
Liliwanag ang kabilang bahagi ng entablado at magiging
bahagi ng presinto. Papasok ang mga pulis para pagalitan ang mga puta sa
ingay ng kanilang kantahan at tawanan. Maya-maya ay papasok ang isang
pulis na may akbay-akabay na isang Dancer, na natagpuang kakalat-kalat sa
daan na bangag. Mamumukhaan ng Waitress ang Dancer.
WAITRESS: Anong nangyari sa’yo? Hindi ba nasa Japan
ka na? Anong ginagawa mo rito?
Bahagyang didilima ang selda. FLASHBACK. Lalabas ang
mga dayuhang Hapo, Alemean, Swiss, Awstralyano. Makikitang binubugbog ng
Bugaw ang Dancer at pinipilit sumama sa mga dayuhang ito. Ipapakita ito sa
pamamagitan ng sayaw at galaw. Makikita ring dumadaan ang ilang alagad ng
simbahan at pamahalaan na dumadaan ngunit nagpapanggap na hindi nila
nakikita ang nangyayaring ito. (DANCE APACHE)
Darating bigla ang Singer at ang Callboy pagkatapos ng
sayaw ng Dancer. Isasalaysay nila kung paano sila unti-unting
nakapagbagong buhay. Namasukan ang Singer bilang katulong. Si Callboy ay
nagtrabaho sa isang konstruksyon. Hihikayatin nila ang Waitress na
magbagong buhay na. Sila ay aawit ng koro ng "Bagong Buhay"
Sasabad ang bangag na Dancer at sasabihing wala na
talagang pag-asang makapagbago ang mga tulad nila. Aalis ang Singer at ang
Callboy at mangangakong magbabalik, at umaasang makapagdesisyon na ang
Waitress.
Pagkaalis ng dalawa, mapag-iisip-isip ng Waitress na
wala ngang gaanong opurtunidad para sa mga katulad nila. Patuloy pa ang
pang-aabuso at kahayupang dinaranas ng mga babae. Magpapasiya siyang
maging aktibista at tumulong sa paglaban ng pang-aabuso sa kababaihan.
Kasabay ng mga isiping ito na naglalaro sa kanyang utak ay kung sino ang
dapat niyang paniwalaan: ang Dancer o ang Singer? May buhay pa nga ba ang
isang tulad niya sa labas ng Ermita? Aawit ang Waitress tungkol sa mga
bagay na ito. Siya ay naghahanap ng kasagutan.
WAITRESS: "DILEMMA"
Mula pagkabata
Babae’y nagtatrabaho
Nagluluto naglilinis
Habang si kuya’y naglalaro
At sa paglaki niya
Sa Maynila mamamasukan
Magluluto, maglilinis
Isang dakilang utusan
Kung siya’y mag-aasawa
Sa mister maninilbihan
Magluluto, maglilinis
At bubuntisin buwan-buwan
Kung lahat ay pantay-pantay
Bakit ang kababaihan
Mula bata hanggang may bahay
Tagaluto, tagalinis
Ng kalalakihan
Ano nga bang nalaman
Ng ating kababaihan
Kundi mga gawaing bahay
Yan ang turo ng mga nanay
Kung magiging empleyado
Saan naman magseserbisyo
Kahit saan siya magtungo
Ang naghahari ay lalaking amo
Salesgirl, sekretarya, weytres
Dancer o puta
Yan na lang ba
Ang kanyang makakaya?
"BABAENG ERMITA"
May buhay pa nga ba
Sa labas ng Ermita?
May lunas nga ba
Ang sakit ng Ermita?
Mga babaeng Ermita
May bukas pa kaya?
May magagawa pa ba?
O, meron ba?
Kumunoy ng Ermita
Ako’y pakawalan
Kumunoy ng Ermita
Sa’yo ako’y lalaban
Mga babaeng api
Mga babae ng Mabini
Gumising, bumangon
Ipagtanggol ang sarili
Ikaw ay tao
Gawa ng lumikha
Kapantay ay kahit sino
Sa mundo
PUTA: Kumunoy ng Ermita
Kami ay bitiwan
Kumunoy ng Ermita
Kami’y huwag mong pigilan
P&W: Kumunoy ng Ermita
Kami ay pakawalan
Kumunoy ng Ermita
Kami, sayo’y lalaban
Pagkatapos ng awit ng Waitress, papasok ang buong cast
sa iba’t-ibang composite poses. Kakanta silang lahat ng "Ermita
Ngayon". Papasok ang anim na binibini at kakanta ng "Ermita, o,
Ermita" at sasabayan ng Singer, ng Dancer at ng Waitress. Malulunod
ang awit ng cast at mangingibabaw ang kanta ng siyam na babae. Pahina nang
pahina ang mga awiting hanggang magtigil. Mahinang maririnig ang
pasulpot-sulpot na paanyaya ng mga puta sa mga dayuhang parokyano nila.
Unti-unting magdidilim ang entablado.
DIDILIM
|