|HOME|

 

Kastilyo ni Kardo

ni Jolan Angeles 

 

 

Hango sa kwentong “Sun and Shadow” ni R. Bradbury

Mga tauhan:

KARDO – isang mahirap na tao

TOMASA – asawa ni Kardo

TOMAS – anak ni Kardo

POTOG – photographer ng magasin

MODELO

JORGE  - kapitbahay ni Kardo

TEBAN – pulis

 

Looban ng isang pook ng mahihirap. Nangakalat ang ilang katao sa lansangan. Lalaki, babae at ilang bata. May nakataling aso sa dingding ng dampa sa gitna. Basa ang dingding; halatang kaiihi lamang ng aso. Akmang nag-uusap ang mga tao ngunit walang ingay, labi lamang ang gumagalaw. Sa kaliwa ay dampa ni Kardo at Tomasa. Sa gitna'y dampang kinatatalian ng aso. Sa gawing kanan ay mallit na pondohan. Sa simula'y makikita natin Si Kardo, taas ang paa habang nagbabasa ng isang lumang aklat. Nasa isang sulok naman si Tomasa at nagtitiklop ng kapaplantsang damit.

 

TOMASA               Ang magaling kong asawa. Wala na yatang gagawin maghapon kundi buklatin ang aklat niyang minana pa sa kanunununuan. Hoy! Baka mahipan ka ng hangin!

KARDO               Itong si Tomasa. Napakamabusisi.

TOMASA               Maari bang tigilan mo na iyan? Bakit hindi ka mag-igib? O magsibak kaya? O maghanap ng kuwalta? Anong makukuha mo diyan, aber?

KARDO               Itong si Tomasa greyd por lang palibhasa ang inabot sa elementari. Hindi mo naiintindihan. Importante ito. Bihi-bihira sa pook natin ang nagbabasa ng aklat. Hindi ka ba natutuwa’t may asawa kang mapagbasa?

TOMASA               Wala namang laman ang bulsa!

KARDO               Anong kinalalaman niyon sa usapan? Hindi mo nauunawaan eh. May napupulot ako kahit papaano. Oo, aaminin kong wala ni kuwing akong napapala. Katunayan nga, hindi ko pa gaanong maintindihan ang pinagsasabi nito… pero… hindi mo nauunawaan eh. Ka-hirap ipaliwanag. Para bang tumitingkad ang pagkakilala ko sa sariling dangal bilang tao. Wika nga ng  matatanda, dangal ang tanging kayamanan nating dukha. Dito sa atin e kakaunti na lang nakaaalala niyan. Idadagdag ko pa ba ang sarili sa kanila? Kaya pabayaan mo na ako. Hindi ka pa ba natutuwa niya’t lalo kong pinalulusog ag likas nating yaman, ha, asawa ko?

TOMASA               Naku, ikaw na nga ang bahala. Pasukin sana ng bangaw ang bunganga mo.

(Hindi siya pansin ni KARDO. Patuloy ito sa pagbabasa. Siyang pagpasok ng POTOG, kabuntot ang MODELO. Makulay ang kanilang kasuotan. Napapatingin ang mga mahihirap sa kanila. Di naman sila pansin ng mga bagong-dating.)

POTOG               Napakaganda! Superyor ang pook na ito! Ganitong ganito ang hinahanap nating background! Cherry-pie, please, tumayo ka sa may barung-barong na iyan. (Sasandal ang MODELO sa haligi ng dampa ni Kardo.) O, pose, dear…

               Click…click…click…

               (Matitigilan sina KARDO at TOMASA sa kanilang pagtatalo. Susulyap sila sa bintana at makikita ang ginagawa ng MODELO at POTOG. Dudungaw sa bintana si KARDO.)

KARDO               Hoy!!!

TOMASA               Psst, Kardo! Umalis ka diyan sa bintana!

KARDO               Hoy, kayo diyan!!!

TOMASA               Kardo, tigilan mo nga iyan sabi! Ano ka ba?

KARDO               (babaling kay TOMASA) Huwag ako ang sabihan mo niyan. Sila ang patigilin mo! Bakit hindi ka lumabasa ng bahay at pagsabihan silang tumigil? Ano pang hinihintay mo? Natatakot ka ba? Sige lumaas ka’t pagsabihan mo sila!!!

TOMASA               Wala namang ginagawang masama, taong ito.

KARDO               AHH!!! (itatabig ang asawa) Hoy, kayo diyan!

               Saglit na susulyap sa kanya ang POTOG ngunit magpapatuloy pagkaraan sa pagkuha. Click…click…click… Lilipat ang MODELO at tatayo sa tabi ng isang gusgusing bata. Si TOMAS na anak ni Kardo. Lalapit ang POTOG kay TOMAS at aayisin ang pagkatayo nito. Ngingiti ng pagkatamis-tamis ang bata. Makikita ito ni KARDO.

KARDO               Tomas! (babaling sa asawa) Tingnan mo’ng anak mo! Mahabaging langit, tingnan mong ginagawa ng magaling mong anak! (susulyap muli sa bintana) Tomas! (babaling sa asawa) Nakatayo ang lintek at nakangiti ng ubod ng tamis! (akmang lalabas)

TOMASA               Anong gagawin mo?

KARDO               Gigilitin ko’ng mga leeg nila! (Tuluyan nang lalabas si KARDO. Kalalabas pa lamang niya namg maabutan niyang sumasandal muli sa haligi ng kanyang dampa ang MODELO) Haligi ko iyan!!!

POTOG               (nakangiti) Sandali lang, brad. Hindi mo naiintindihan. Kumukuha lang kami ng retrato. Wala kaming ginagawang masama sa haligi mo. Malapit na kaming matapos.

KARDO               Walang ginagawang masama? Inuuri mo ba akong bulag? Hayan at nakasandal siya sa haligi ng bahay ko! Ng bahay ko!

POTOG               Kumukuha kami ng retrato para sa isang magasin. Para bang… fashion show… naiintindihan mo?

KARDO               (titingala) Mahabaging langit? Kumukuha raw sila ng retrato para sa pasyon syow… Ano naman ang gusto nilang gawin ko? Maglulundag sa tuwa? Mabaliw sa kagalakan? Magkikislot na parang nginingiking butiki?

POTOG               Teka muna, brad. Kung iyang pagkagamit sa iyong haligi ang ipinuputok ng butsi mo… (dudukot ng kuwalta sa bulsa) siguro nama’y maaayos na iyan ng limang piso?

KARDO               (tatabiging palayo ang salapi) Mula sa sariling pawis ang bawat kusing na sumasayas sa palad ko! Hindi n’yo nauunawaan. Nakikiusap ako! Umalis na kayo.

POTOG               Pero, sandali lang…

KARDO               Tomas, pasok sa bahay!

TOMAS               Tatang naman.

KARDO               Lintek na!

               (Tatakbong papasok sa kanilang dampa ang batang lalaki)

KARDO               Ngayon, mister Potograpo, nakikiusap muli ako. Umalis na kayo.

POTOG               Pero… pero… anong ginagawa namin…? Ngayon lang nangyari na pinaalis kami sa—

KARDO               Matagal nang dapat mangyari! (babaling sa mga ibang tagaroon) Anong klaseng tao kayo? Pulos ba tayo binabae? Mga duwag?! Ano’t pumapayag tayong gawin ito sa atin?

TOMASA               Kuu, wala namang ginagawang masama iyong mga tao eh.

               Mag-aanasan na ang iba pa.

POTOG               (inis) O sige na. Sige na!!! Lilipat na kami sa ibang lugar. Tara, Cherry-pie, honey. May nadaanan tayong magandang barung-barong kanina. O hayan! Iyung-iyo na ang bahay mo, brad!

               Hahayo patungo sa pondohan ang MODELO at POTOG. Hahabol si KARDO at sasapuhin sa siko ang MODELO.  Magugulat ang babae.

MODELO               Ay! Bitiwan mo ako, bastos!

KARDO               (nakangiti) Sandali lang. Pakinggan muna ako.

POTOG               Ano na naman ang kailangan mo?

KARDO               Huwag kang masusuya, mister. Hindi sa nagagalit ako sa iyo, miss. Ni sa iyo, mister.

POTOG               Ganun pala’y bakit--?

KARDO               May trabaho ka na siya mong ginagawa ngayon. May trabaho rin ako. Kapwa tayo may trabahong nararapat tuparin, mister. Nagkakaunawaan tayo diya, hindi ba? (tatango ang POTOG) Pero sa sandaling lumusob ka rito at simulang iumang iyang… iyang kamera mong tila pagkalakilaking mata ng bangaw… ahh, diyan na nagwawakas ang pagkakaunawaan natin. Hindi kita mapapayagang gamitin ang eskinita ko… dahil… nagagandahan ka rito! O kaya’y isasandal siya (ituturo ang MODELO) sa haligi ko… sapagkat napusuan mo ang dumi at kabulukang bumabalot sa kahoy. (lalapit sa haligi at sisipain) Nakita mo? Ang kahoy? Pagkakapalkapal ng libag at halos naghihingalo sa kabulukan! Ah, kay ganda nito, hindi ba, mister? Sumandal ka diyan! Tumayo ka diyan! Upo diyan! Tumikwas naman doon! O huwag kang gagalaw… CLICK! Narinig kita, mister. Narinig kita! Akala mo ba’y tanga ako? Nagbabasa yata ako ng mga aklat! Nakikita mo ba ang bintanang iyan? Tomasaaa!!!

TOMASA               (dudungaw) Ano iyon?

KARDO               Tomasa, kunin mo ang mga aklat ko at ipakita sa kanila!!!

TOMASA               At bakit ko naman gagawin…

KARDO               Basta’t gawin mo! Huwag nang marami pang busisi!

               Tatalima si TOMASA. Ilang sandali pa’y may tangan na siyang ilang lumang aklat. Nakapikit siya at ayaw tingnan ang hawak-hawak.

KARDO               Nakikita mo ba? At dalawang dosena pang katulad niyan sa baul ko! Hindi basta-basta ang kinakausap mo ngayon, mister! Ang kausap mo ngayon ay isang tao!

POTOG               O siya… siya. Aalis na kami. Wala kaming intensiyong gambalain ang sinuman. Tara na, honey.

KARDO               Hintay! Sandali. Kailangang maintindihan mo’ng ibig kong sabihin. Huwag muna kayong umalis. Hindi ako masamang tao, mister. Pero masama akong magalit. Pagmasdan mo ako. Mukha ba akong palamuti? Dekorasyon?

POTOG               Aba, wala akong sinasabing ganyan. (akmang aalis)

KARDO               May potograpo dito sa amin. Namamasukan siya sa isang estudyo sa Avenida. Si Berting. Minsa’y dinala niya ako roon. Laban man sa loob ko’y kinunan niya ako ng retrato.

POTOG               Hayan! Nakita mo na? Nagpapakuha ka rin pala ng retrato.

KARDO               (di pansin ang sinabi) May… may anong nilagay sila sa likuran ng magpapakuha. Para magmukhang nasa ibang pook ka. Tatayo ka sa harap nito. Marami sila niyon. Iyong isa’y pagkalakilaking retrato ng… ng Baguio daw. Patatayuin ka sa harap niyon, pagkatapos ay kukunan ka ng retrato at para nga namang sa Baguio ka talaga kinunan. Naiintindihan mo ba’ng ibig kong sabihin? Isa lamang iyong huwad na palamuti. Dekorasyon. Ang haliging ito ay aking haligi. Pag-aari ko ito. Gaya ng buhay kong ito—hamak nga—pero kaisa-isa kong buhay at sarili ko ito. Ang anak ko’y anak ko.Hindi siya dekorasyon! Nakita ko nang patayuin mo siya sa likod ng kasama mong babae; inilagay mo si Tomas ko sa likuran habang kumukuha ka ng retrato. Ginawa mo siyang—anong tawag mo roon? Bakrawn! Nang maging mas kaakit-akit ang retrato mo! Dugo ko’t laman ang anak ko! Hindi mo siya maaaring gawing dekorasyon!

POTOG               Tara na, honey. Tinatanghali na tayo.

               Paalis na sila, ngunit pipigilan sila ni KARDO

KARDO               Mahihirap lang kami. Tagpi-tagpi ang dampa, marumi at nabubulok ang dingding. Simbaho ng tambakan ng burak sa ilalim ng paa namin—at mahihiya ang kulungan ng baboy sa maliliit naming eskinita! Ahh, maawaing langit. Hindi ko idinaraing ang kapalarang ibinigay mo, pero—pero nagngangalit ako sa suklam kapag naggawi ka at nagsasalita na para bang sinadya kong magkaganito kami, na para bang hinimok at pinilit kong mabulok ang haliging ito. Sa akala mo ba’y nahulaan kong darating kayo kung kaya pinintahan ko agad-agad ang haligi para magmukhang bulok? Na nahulaan kong darating nga kayo kaya inutusan ko ang anak kong dungisan ng husto ang katawan at isuot ang pinakagusgusin niyang damit? Hindi kami estudyo! Tao kami at gusto naming tratuhin kami bilang tao! Naiintindihan mo ba? Maliwanag ba sa iyo ang lahat?

POTOG               Maliwanag pa sa buwan. (sa MODELO) Tara…

KARDO               Ngayong  alam mo na ang himutok ko’t katwiran, siguro nama’y hindi na kayo bantulot gawin ang hinihiling ko? Na kayo’y bumalik na sa kung saan pang pinanggalingan?

POTOG                (sarkastiko) Nakaaaliw kang tao. Hirap sa iyo, “Kulaspiro”, kabilis mong mag-init. Sinandalan lang naman ang iyong haligi! Aba’y parang winasak na namin ang bahay mo!!

KARDO                Kardo ang pangalan ko. At sino ang may sabing nawasak ang bahay ko?

Babaling sa pondohan ang POTOG

POTOG               Tumayo ka nga sa tabi ng tindahan, honey. Magandang background iyan.

KARDO               (mamemeywang) Diyata!

Katahimikan. Panunoorin ni KARDO ang POTOG habang naghahanda ito sa pagkuha.

POTOG               Urong ng konti sa kaliwa, honey…

KARDO               Pareng Jorge! Anong ginagawa mo?

JORGE                              Ha? Alin?

KARDO               Anong ginagawa mo riyan?

JORGE                              Ako? Aba, nakatayo rito.

KARDO               Diyata. Hindi ba sa iyo ang pondohang iyan? Pababayaan mong gamitin nila?

JORGE                              Hindi naman sila nakagagambala.

Lalapit si KARDO kay JORGE at yuyugyugin.

KARDO               Ginagawa nilang dekorasyon ang pondohan mo! Hindi ka ba naiinsulto niyan?

JORGE                              Aba… ewan ko. Hindi ko pinag-isipan.

KARDO               Mahabaging langit, mag-isip ka, kumpare! Mag-isip ka! Paandarin iyang kukote mo!

JORGE                              Taong ito, wala naman silang ginagawang masama.

KARDO               Maawaing langit! Ako lang ba ang may dila sa mundong ito? Ako lang ba ang marunong umintindi at makiramdam? Pook ba ito ng mga palamuti’t dekorasyon? Estudyo? Wala na bang kikilos kundi ako?

               Unti-unting magkukumpulan ang mahihirap sa paligid nina KARDO, JORGE, MODELO at POTOG.

POTOG               Ano ba talagang kasalanan ko sa iyo?!

KARDO               Hindi mo talaga naiintindihan! Ahh, hindi mo nga siguro maiintindihan kahit kailan. Sinabi ko na sa iyo. Mahirap lang kami! Walang maipagmamalaki kundi ang aming karukhaan. Mahabaging langit, mister! Ginagawa mo bang dekorasyon ang aming kahamakan? (tatayo sa likod ng MODELO) Gusto mo ba ng kakatuwang lalaki sa bakrawn mo? Tatayo ako rito. Gusto mo bang duon ako tumayo? Anino sa mga patay na kuko ng aking paa? Gusto mo bang sirain ko pa ng husto ang damit ko? Ganito? (lalong wawasakin ang T-shirt) Maganda na ba iyan? Husto na ba ang langis na bumabalot sa pangit kong mukha? Kulang ba sa dumi? (papahiran ng alikabok ang mukha)Hayan! Ayos! At ang buhok ko? Tama na ba ang pagkasabunot, ha, mister?

POTOG               Tumayo ka diyan, kung gusto mo! Basta huwag mo kaming guluhin!

KARDO               Huwag kang mag-alala, Hindi ako titingin sa kamera.

POTOG                (sasaglit na titgnan si KARDO; ngingiti) Urong ka ng kaunti sa kanan, honey. Ganyan. Itaas ng kaunti ang kamay. Ayan. Perfect. Fine. Hold it…!

Biglang ibabagsak ni KARDO ang pantalon niya.

POTOG                Mahabaging langit!!!

MODELO               Ay!!!

TOMASA               Kardo, susmariosep!!! (mapapaantanda)

               Hagikhikan at sikuhan ang mga nanonood na mga mahihirap. Walang imik na itataas ni KARDO ang pantalon niya.

KARDO               Kakatuwa na ba iyon, mister?

POTOG               O Diyos koooo….

MODELO               Lumipat na tayo sa may riles ng tren.

KARDO               Makapunta nga rin duon.

POTOG               (pabulong) Panginoon! Anong gagawin ko sa ulol na ito?!

MODELO               Magtawag ka ng pulis, ng Metrocom, ng PC, ng kahit ano!

POTOG               Aba’y saan ako---?

MODELO               Kahit saan!

               Aalis ang POTOG upang sunduin si Tebang pulis.

MODELO               At ano ang gusto mong palabasin sa kabastusang iyon?

KARDO               Palabas? Hindi ako nagpapalabas. At kami nga ang inyong entablado!

MODELO               Kaululan! Kumukuha lang kami ng retrato! Masama ba iyon? Isa iyang sining!

KARDO               Sining? (lalapit sa aso; ituturo ang basang dingding na inihian ng aso) Kung gayo’y masdan mo iyan! Kay ganda! Maka-sining! Pagkaganda-ganda ng anyo’t hugis ng ihi niya! Masdan mo! (lalapit sa MODELO at hihilain ito palapit sa ihi) Dali, kunan n’yo ng retrato bago matuyo ng araw!

MODELO               (tatalikuran si KARDO at haharap sa manonood) Sira ang ulo nito. O baka nalipasan ng gutom. Ayaw kasing magkakain sa wastong oras ang mga katulad niya!

KARDO               Narinig ko iyon! Hindi sira ang ulo ni Kardo. Hindi mo ba nakikita’t nagbabasa ako ng mga aklat? Tomasaaaa!!!

MODELO               Siya-siya. Nakita ko na ang mga aklat mo. Ngayon, maari ba? Layuan mo na ako?

KARDO               (mapilit) At sino ang maysabing hindi ako kumakain sa tumpak na oras? Humakain ako sa tumpak na oras! Dangan nga lang ay hindi pa oras kumain! Katatapos pa lang ng almusal. At mamayang hapunan pa ang sunod naming kain!

               Papasok ang POTOG buntut-buntot si TEBAN. Naka-korto ito’t sando. Nakasukbit sa baywang ang baril. Tila bagong gising.

POTOG               Dito tsip! Madali ka!

TEBAN                (bantulot; inaantok) Bakit ka ba nagmamadali? Baka sumpungin ako ng sakit sa puso. Huminahon ka! Mahaba pa ang araw. Pasasaan ba’t daratnan din natin iyang kapahamakang isinusumbong mo!

               Tatayo si TEBAN sa tabi ng MODELO

TEBAN                Ano bang problema, mis?

MODELO                Ang lalaking ito! (ituturo si KARDO) Gawin mo ang tungkulin mo’t alisin siya diyan!

TEBAN                (nagtataka’t naghihikab) Pero… wala naman siyang ibang ginagawa kundi ang sumandal sa pondohan ni pareng Jorge.

POTOG               Hindi. Hindi iyong pagsandal niya sa – ah, lintek na. Kailnangang ipakita ko sa iyo ang ibig kong sabihin. (kukunin ang kamera) Gandahan mo ang tayo, honey.

Poporma ang MODELO. Poporma rin si KARDO at ngingiti pa kamo.

POTOG               Walang gagalaw!

               Biglang ibabagsak ni KARDO ang pantalon niya. Click!

TEBAN                Ahaaa…

POTOG               Narito ang ebidensiya kung kinakailangan!

TEBAN                Ahaaaa… (lalapit kina KARDO at MODELO; susuriing mabuti)

POTOG               (matapos ang pagsusuri ni TEBAN) Paano ba iyan ngayon, tsip?

TEBAN                (magkakamot ng ulo) Paano nga ba? Anong gusto mong gawin ko ngayon?

MODELO               Dakpin ang lalaking iyan! Nagpapakita ng kanyang--- ng kabastusan, ng kalaswaan sa publiko!

TEBAN                Aha!

POTOG               Paano ba iyon?

               Nag-aanasan ang ibang mahihirap. Pilit na iwawaksi ng MODELO ang mata niya. Patuloy ang hagikhikan ng mga tao.

TEBAN                Ang lalaking itinuturo mo. Kilala ko siya. Siya si Ricardo Reyes.

KARDO               Pareng Teban, kumusta ba?!!

TEBAN                Kumusta rin, pareng Kardo! (magkakawayan) Kumusta si Kumare? Mabusisi pa rin ba? (tatawa) Nakow, iyan nga ba ang sinasabi ko sa iyo! Alam mo ba---

POTOG               Teka muna, teka muna! Magdadaldalan pa ba kayo ng taong iyan? Hindi mo ba siya dadakpin?

TEBAN                Wala naman siyang ginagawang masama.

MODELO               Anong ibig mong sabihin? Nakahubo siya! Imoral iyan! Kasalana sa mata ng tao!

TEBAN                Imoral? Ang alin? Nakatayo lang siya sa pondohan ni pareng Jorge. Ngayon, kung mayroon ba siyang ginagawang masama sa kanyang katawan, iyon bang pangit at masagwang panoorin, aba, agad-agad gagampanan ang aking tungkulin. Pero nakatayo lang siya sa pondohan ni pareng Jorge, na di gumagalaw ang gahiblang litid niya. Wala siyang ginagawang masama.

POTOG               (pahiyaw)  Pero hubo siya, hubo, hubo, hubo…!!!

TEBAN                Ano iyon? Hindi kita maintindihan.

POTOG               Bawal maglakad ng hubo sa lansangan! Hindi iyan ginagawa ng matinong tao! Tsip, tsip, para mo nang awa. Dakpin mo na ang lalaking iyan.

TEBAN                Kuu, e ano ba naman iyang maglakad ka ng hubo’t hubad? Sa may damit ka o wala, ikaw pa rin iyon. Oo nga’t nag-alis ng pantalon itong si Kumpare – at, hmmm, nakikita natin ngayon ang kanyang… ehem… ang hindi natin karaniwang nakikita. Alam mo, may taong masama at may taong mabuti, Kilala ko ang lalaking ito at sa tingin ko, mabuti siyang tao, isang lalaking malinis ang reputasyon; hubo nga siya, oo, aaminin ko iyan, pero wala naman siyang ginagawa na nakasasama sa mga taga-rito!

POTOG               Teka nga muna! Sino ka ba? Kapatid ka niya siguro, ano? Siguro ay magkasabwat kayong dalawa ano? (maglululundag sa galit) Nasaan ang katarungan? Nasaan ang batas? Nasaan ang katwiran? Cherry-Pie, halika na’t makalayas sa lunggang ito!

KARDO               Pransiya!

POTOG at MODELO               Ano?!

KARDO               Sabi ko’y Pransiya, o Espanya. O Estados Unidos kaya. Marami na akong nakitang retrato ng Estados Unidos. Mararakit ang bahay nila duon. Bakit hindi lang kayo duon magkuhaan?

POTOG               Hindi mo ako mapipigil kung gusto kong magkukuha ng retrato dito!

KARDO               Palagi naman kitang bubuntutan! Susundan kita saang sulok ka man magsuot. Sa may riles ng tren, sa palengke, kasunod ako kahit saan ka magpunta. Isinusumpa ko iyan. Nanduon ako… pasan-pasan ang aking kahirapan at kaunting dangal naming mga busabos. Susundan kita’t gagampanan ang tungkuling ito!

               Katahimikan.

POTOG               Sino ka ba… sino  ka bang akala mo sa sarili mo, lintek ka?

KARDO               Kanina ko pa hinihintay ang tanong na iyan. (titigil) Pagnilayin mo ako. Umuwi na kayo’t pag-isipan akong mabuti. Habang may mga katulad ko pa, habang may nangisa-ngisang tulad ko na hindi natatakot magsalita, ang mundo’y hindi pa magugunaw. Matagal nang nasawi ang lahat kung wala ako.

POTOG               Ikaw pala ang tagasagip ng sangkatauhan. Siya-siya… lalayasan ka na namin, dakilang bayani, dakilang santo ng estero. Diyan ka na! (sa MODELO) Tara na. Mamaya na natin isipin ang dapat gawin sa hangal na ito.

               Tahimik na aalis ang POTOG at MODELO. Pagmamasdan sila ni KARDO. Nakatingin ang mahihirap kay KARDO. Nakangiti sila. Ngiti ng paghanga. Unti-unting itataas ni KARDO ang pantalon at isisinturon. Taas noo siya, punung-puno ng dangal at dignidad. Tahimik ang lahat. Pati ang asawa ni Kardo’y nakadungaw sa bintana at walang imik habang pinagmamasdan siya. Kasabay ang pagtaas ng pantalon, magpapalakpakan ang mga mahihirap, mahina sa simula ngunit palakas ng palakas. Nakangiti, marahang tatahakin ni KARDO ang landas pabalik sa kanyang dampa. Susundan siya ng mga mahihirap. Punung-puno sila ng paghanga. Nasa loob na ng bahay si KARDO. Nakapaligid pa rin ang mga tao at patuloy na pumapalakpak. Haharapin ni KARDO ang asawa.

TOMASA               Kardo…

KARDO               Akina ang aklat ko, Tomasa.

               Mabilis na kukunin ito ni TOMASA at ibibigay kay KARDO. Magsisimulang magbasa si KARDO.  Palakas ng palakas ang palakpak ng lahat at unti-unting mamamatay ang ilaw.

 

TELON

 

 

 

|HOME|