Juan
Obrero
ni Richie Valencia
I Masdan si Juan Obrero, Pilipino Wala siyang ari-ariang malaki, Ang sariling lakas ay ipinagbili niya sa puhunan upang mabuhay. Masdan si Juan Obrero, Pilipino. Manggagawa nga, pero walang trabaho. Sa kanyang lipunan, karaniwan na ang manggagawang walang trabaho. Kayat hayun siya, naglalakad, naglalakad, naglalakad. Nagbibilang ng poste. Namumulsa kahit walang laman ang bulsa Titingin-tingin, susulyap-sulyap. Nagmamasid, nagtatanong. Naghahanap ng trabaho. II Nagtuloy si Juan Obrero sa factory. Nagprisinta. Nagsumamo. Nagmakaawa. At siya’y tinanggap ng kapitalista. Pinapagtrabaho siya sa isang madilim at mabahong lugar. Wala siyang coffee break. Wala siyang noon break. Wala kasing kantina. Wala ring ilaw. Walang bintana. Walang bentilador. Wala ring minimum wage pagka’t mahal daw ang produksiyon. Isang araw nilagare ng makina ang kamay ni Juan Obrero. Sabi ng kapitalista, “Sorry, it was an accident.” Hindi siya maipagamot pagka’t wala namang klinika ang factory. At si Juan Obrero ay sinisante. Hindi raw sila tumatanggap ng mga may kapansanan. III Iniwan ni Juan Obrero ang siyudad. Tumuloy siya sa lalawigan. Baka doon, may trabaho. Nagtuloy si Juan Obrero sa hacienda. Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa. At siya’y tinaggap ng hacendero. Pinagsaka si Juan Obrero sa isang maliit na lupang bahagi ng hacienda Nagpawis. Nagpagod. Nagbanat ng buto. Pagkaani, kinuha ng hacendero kay Juan Obrero ang utang nito. Sa binhi Sa kalabaw Sa araro Sa makina Sa patubig Sa tindahan ng hacendero At ang abuloy nito para sa kaarawan ng anak ng hacendero. Walang natirang palay para kay Juan Obrero. Umutang na lang daw siya uli. Humingi si Juan Obrero ng Land Reform. Sabi ng pamahalaan, Ay magbayad muna siya ng Registration Fee Land Title Fee Seeding Fee Beast of Burden Fee Plowing Fee Machinery Fee Irrigation Fee Grocery Fee Contribution Fee At sangkatutak pang mga fee. Sabi ni Juan Obrero, Hindi na lang daw siya magla-Land Reform. Sabi ng teknokrat ng pamahalaan, “See, the masses are resistant to change!” IV Iniwan ni Juan Obrero ang lalawigan. Tumungo siya sa Malabon. Baka doon sa pondohan may trabaho. Nagtuloy si Juan Obrero sa pondohan. Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa. At siya’y tinanggap bilang batilyo. Bilang batilyo, binubuhat niya ang mga banyera ng isda mula sa daungan patungo sa pondohan. Bilang batilyo, tungkulin niyang sumunod sa mga patakaran ng mga fish dealers. Pinapagtrabaho siya sa isang maburak at madulas na lugar. Wala siyang coffee break. Wala siyang noon break. Walang karapatang mang-umit ng kahit isang maliit na isda. Wala siyang karapatang kumain ng isda. Hanggang sardinas lang sila. Si Juan Obrero ay wala ring karapatang magreklamo sa suweldo. Wala siyang karapatang magsuweldo kung ayaw ng fish dealer. Wala din siyang karapatang masugatan, pagka’t wala namang klinika ang pondohan. Lalong wala siyang karapatang madulas, pagka’t baka mamatay siya’t sagutin pa ng fish dealer. Isang araw, dumating ang mga Sakang. Pinaaalis ang mga batilyo. Hindi na raw sila kailangan. Mayroon na kasing dambuhalang kamay na bakal na bubuhat sa mga isda. Wika nga, eh, “Maximum machinery, minimum rabor”. Wala na namang trabaho si Juan Obrero. Sabi ng Sakang, Bibigyan siya ng trabaho. Pero kailangang kumuha siya ng --- IQ Test NCEE CAT
at Interview Test. Sabi ni Juan Obrero, Hindi na lang daw bale. V Iniwan ni Juan Obrero ang Malabon. Tumuloy siya sa Mindanao. Baka doon may trabaho. Baka doon, puwede siyan mangisda nang mapayapa. At si Juan Obrero nga ay nakapangisda nang matahimik sa baybay-dagat. Nagtayo ng kubo katabi ng iba pang mangingisda. Nangisda, nangisda, nangisda. Isang araw dumating uli ang mga Sakang. Giniba ang bahay-kub ni Juan Obrero sa may tabing-dagat. Magtatayo daw kasi ng Sintering Plant doon. Pinalayas si Juan Obrero mula sa dalampasigan. Pinaaakyat ng bundok. Sa bundok na lang daw siya mangisda. Samantala, ang mga sukal ng sinter plant ay itatambak daw ng mga Sakang sa dagat. At ang dagat ay iitim, dudumi, babaho. At ang mga isda sa dagat Ay pupunta raw sa bayan ng mga Sakang Para gawing sardinas Na ipagbibili kay Juan Obrero. VI Iniwan ni Juan Obrero ang Mindanao. Nagbalik siya sa siyudad. Baka doon, may mahahanap pa ring trabaho. Tumuloy siya sa Maynila. Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa. At siya’y tinanggap na jeepney driver. At si Juan Obrero ay nagpasada. Nagpawis. Nagmabilis. Nagmabagal. Nangitim sa init. Itinaas ang presyo ng langis. Nagpasada pa rin si Juan Obrero. Nagpawis. Nagmabilis. Nagmabagal. Nangitim sa init. Itinaas uli ang presyo ng langis. Nagpasada pa rin si Juan Obrero Itinaas na naman ang presyo ng langis! Nagpasada pa rin si Juan Obrero. Miski minumura na siya ng mga pasahero. Ang pamaasheng dati’y kinse --- Naging beinte. Naging beinte-singko. At ngayon … Treinta! Hindi rin naman naginhawaan si Juan Obrero. Mahal na rin kasi ang galunggong! Ang upa sa bahay! Ang “lagay” sa pulis! Ang matrikula sa eskuwela! At lahat-lahat na! Isang araw, lumabas ang dambuhalang walis sa Maynila. Winalis ang lahat sa daan, pati ang jeepney ni Juan Obrero. Sabi daw kasi ng turista, Hindi modern ang jeepney, Sabi daw ng turista, Hindi civilized ang jeepney Kaya’t aalisin na lang daw ang lahat ng jeepneys. At ang ipapalit ay ang dambuhalang Greyhound buses ng Kano. VII Iniwan ni Juan Obrero ang pagiging driver. Naglibot siya sa siyudad. Baka kahit saan, may mahahanap pa ring trabaho. Tumuloy si Juan Obrero sa iba’t ibang parte ng Maynila. Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa. Hanggang siya’y makuhang sidewalk vendor. At si Juan Obrero ay naging sidewalk vendor. Nagbenta ng kun anu-ano. Komiks, komiks kayoriyan! Bulletiiiiin! Daily Expreeeeees! Juicy – Juicy – Juicy! Pisbol, Pisbol! Aaaaaah… mani-mani-mani-mani-mani! Aaaaaah… mani-mani-mani-mani-mani! Maa, Philip? Marlboro? Sampiyon? Hala, bargeyn lapit lapit dito! Jockey para kay Lolo Shorts para kay Lola! At si Juan Obrero Ay nagtago sa pulis. Nagmulta sa pulis. Nakipagsigawan! Nakipaghabulan! Nakipaggitgitan! Nakipag-unahan! Nakipagtawaran! Nakipagbaratan! Isang araw, dumating ang dambuhalang walis . Winalis si Juan Obrero mula sa bangketa. Sabi daw kasi ng turista, Very unruly ang mga sidewalk vendors Sabi daw kasi ng turista, Very uncivilized ang mga sidewalk vendors Kaya’t winalis si Juan Obrero mula sa bangketa. VIII Pinasukan ni Juan Obrero ang iba’t ibang trabaho. Kahista sa palimbagan. Kompositor. Dyanitor sa opisina. Kaminero. Basurero Textile worker. Tagalagay ng takip ng bote ng ketsap. Piyon. Karpintero. Pintor. Barnisador. Tagagawa ng sapatos. Ng silya. Ng pagkain. Ng damit. Ng tabla. At maraming-marami pang iba. At sa bawat trabaho Ay marami ang bawal. Bawal ang magreklamo. Bawal ang humingi ng mas mataas na suweldo. Bawal ang mag-unyon. BAWAL IPAGLABAN ANG SARILING KAGALINGAN! Awit ni Juan Obrero Bakit ako niyuyurakan Bakit ako inaapi Di ba’t sa akin din nanggaling Ang puhunan? Bakit ang suweldo’y di sapat Gayong tubo’y sadyang malaki Bakit kami walang unyon Pag nagprotesta ay sinasaktan? Koro: Welga, Welga Welga, Welga Siyang tanging lakas Sinumang lumikha ng yaman Ay siyang dapat magtamo nito Welga, Welga Welga, Welga Siyang tanging lunas Karapatan ay ipaglaban Nang kagalinga’y matamo. Kapitalista at pamahalaan Tila ngayo’y magsapakat Ang manggagawa’y iniipit Nang husto… Di laging baya’y nagdurusa Masang api ay titindig din Uring manggagawa ang kanilang bisig (Ulitin ang koro) IX Masdan
si Juan Obrero, Pilipino Wala
siyang ari-ariang malaki, Ang
sariling lakas ay ipinagbili niya sa puhunan upang mabuhay. Masdan
si Juan Obrero, Pilipino. Siya ay lumikha ng yaman ng mundo Subalit di siya kabahagi ng yamang ito. Subalit di siya pinahihintulutang makibahagi sa yamang ito. Kayat
hayun siya, naglalakad, naglalakad, naglalakad. Umaakyat sa bundok. Tumatawid sa mga ilog. Binabagtas ang mahahabang daan. Upang ituwid ang mga kabalintunaan ng mundo. Upang ang tunay na laya’y kamtan! WAKAS
|