Make your own free website on Tripod.com

|HOME|

 

Juan Obrero

ni Richie Valencia

 

I

 

Masdan si Juan Obrero, Pilipino

Wala siyang ari-ariang malaki,

Ang sariling lakas ay ipinagbili niya sa puhunan upang mabuhay.

Masdan si Juan Obrero, Pilipino.

Manggagawa nga, pero walang trabaho.

Sa kanyang lipunan, karaniwan na ang manggagawang walang trabaho.

 

Kayat hayun siya, naglalakad, naglalakad, naglalakad.

Nagbibilang ng poste.

Namumulsa kahit walang laman ang bulsa

Titingin-tingin, susulyap-sulyap.

Nagmamasid, nagtatanong.

Naghahanap ng trabaho.

 

II

 

Nagtuloy si Juan Obrero sa factory.

Nagprisinta. Nagsumamo. Nagmakaawa.

At siya’y tinanggap ng kapitalista.

Pinapagtrabaho siya sa isang madilim at mabahong lugar.

Wala siyang coffee break.

Wala siyang noon break.

Wala kasing kantina.

Wala ring ilaw.

Walang bintana.

Walang bentilador.

Wala ring minimum wage pagka’t mahal daw ang produksiyon.

Isang araw nilagare ng makina ang kamay ni Juan Obrero.

Sabi ng kapitalista, “Sorry, it was an accident.”

Hindi siya maipagamot pagka’t wala namang klinika ang factory.

At si Juan Obrero ay sinisante.

Hindi raw sila tumatanggap ng mga may kapansanan.

 

III

 

Iniwan ni Juan Obrero ang siyudad.

Tumuloy siya sa lalawigan.

Baka doon, may trabaho.

Nagtuloy si Juan Obrero sa hacienda.

Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa.

At siya’y tinaggap ng hacendero.

Pinagsaka si Juan Obrero sa isang maliit na lupang bahagi ng hacienda

Nagpawis. Nagpagod. Nagbanat ng buto.

Pagkaani, kinuha ng hacendero kay Juan Obrero ang utang nito.

Sa binhi

Sa kalabaw

Sa araro

Sa makina

Sa patubig

Sa tindahan ng hacendero

At ang abuloy nito para sa kaarawan ng anak ng hacendero.

Walang natirang palay para kay Juan Obrero.

Umutang na lang daw siya uli.

Humingi si Juan Obrero ng Land Reform.

Sabi ng pamahalaan,

Ay magbayad muna siya ng

Registration Fee

Land Title Fee

Seeding Fee

Beast of Burden Fee

Plowing Fee

Machinery Fee

Irrigation Fee

Grocery Fee

Contribution Fee

At sangkatutak pang mga fee.

Sabi ni Juan Obrero,

Hindi na lang daw siya magla-Land Reform.

Sabi ng teknokrat ng pamahalaan,

“See, the masses are resistant to change!”

 

IV

 

Iniwan ni Juan Obrero ang lalawigan.

Tumungo siya sa Malabon.

Baka doon sa pondohan may trabaho.

Nagtuloy si Juan Obrero sa pondohan.

Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa.

At siya’y tinanggap bilang batilyo.

 

Bilang batilyo, binubuhat niya ang mga banyera ng isda

           mula sa daungan patungo sa pondohan.

Bilang batilyo, tungkulin niyang sumunod sa mga patakaran

           ng mga fish dealers.

Pinapagtrabaho siya sa isang maburak at madulas na lugar.

Wala siyang coffee break.

Wala siyang noon break.

Walang karapatang mang-umit ng kahit isang maliit na isda.

Wala siyang karapatang kumain ng isda.

Hanggang sardinas lang sila.

Si Juan Obrero ay wala ring karapatang magreklamo sa suweldo.

Wala siyang karapatang magsuweldo kung ayaw ng fish dealer.

Wala din siyang karapatang masugatan, pagka’t wala namang

                klinika ang pondohan.

Lalong wala siyang karapatang madulas, pagka’t baka mamatay siya’t

                sagutin pa ng fish dealer.

 

Isang araw, dumating ang mga Sakang.

Pinaaalis ang mga batilyo.

Hindi na raw sila kailangan.

Mayroon na kasing dambuhalang kamay na bakal na bubuhat sa mga isda.

Wika nga, eh, “Maximum machinery, minimum rabor”.

 

Wala na namang trabaho si Juan Obrero.

Sabi ng Sakang,

Bibigyan siya ng trabaho.

Pero kailangang kumuha siya ng ---

IQ Test

NCEE

CAT

                       

at Interview Test.

Sabi ni Juan Obrero,

Hindi na lang daw bale.

 

V

 

Iniwan ni Juan Obrero ang Malabon.

Tumuloy siya sa Mindanao.

Baka doon may trabaho.

Baka doon, puwede siyan mangisda nang mapayapa.

At si Juan Obrero nga ay nakapangisda nang matahimik sa baybay-dagat.

Nagtayo ng kubo katabi ng iba pang mangingisda.

Nangisda, nangisda, nangisda.

Isang araw dumating uli ang mga Sakang.

Giniba ang bahay-kub ni Juan Obrero sa may tabing-dagat.

Magtatayo daw kasi ng Sintering Plant doon.

Pinalayas si Juan Obrero mula sa dalampasigan.

Pinaaakyat ng bundok.

Sa bundok na lang daw siya mangisda.

Samantala, ang mga sukal ng sinter plant ay itatambak daw

               ng mga Sakang sa dagat.

At ang dagat ay iitim, dudumi, babaho.

At ang mga isda sa dagat

Ay pupunta raw sa bayan ng mga Sakang

Para gawing sardinas

Na ipagbibili kay Juan Obrero.

 

VI

 

Iniwan ni Juan Obrero ang Mindanao.

Nagbalik siya sa siyudad.

Baka doon, may mahahanap pa ring trabaho.

Tumuloy siya sa Maynila.

Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa.

At siya’y tinanggap na jeepney driver.

At si Juan Obrero ay nagpasada.

Nagpawis. Nagmabilis. Nagmabagal. Nangitim sa init.

Itinaas ang presyo ng langis.

Nagpasada pa rin si Juan Obrero.

Nagpawis. Nagmabilis. Nagmabagal. Nangitim sa init.

Itinaas uli ang presyo ng langis.

Nagpasada pa rin si Juan Obrero

Itinaas na naman ang presyo ng langis!

Nagpasada pa rin si Juan Obrero.

Miski minumura na siya ng mga pasahero.

Ang pamaasheng dati’y kinse ---

Naging beinte.

Naging beinte-singko.

At ngayon … Treinta!

Hindi rin naman naginhawaan si Juan Obrero.

Mahal na rin kasi ang galunggong!

Ang upa sa bahay!

Ang “lagay” sa pulis!

Ang matrikula sa eskuwela!

At lahat-lahat na!

Isang araw, lumabas ang dambuhalang walis sa Maynila.

Winalis ang lahat sa daan, pati ang jeepney ni Juan Obrero.

Sabi daw kasi ng turista,

Hindi modern ang jeepney,

Sabi daw ng turista,

Hindi civilized ang jeepney

Kaya’t aalisin na lang daw ang lahat ng jeepneys.

At ang ipapalit ay ang dambuhalang Greyhound buses ng Kano.

 

VII

 

 

Iniwan ni Juan Obrero ang pagiging driver.

Naglibot siya sa siyudad.

Baka kahit saan, may mahahanap pa ring trabaho.

Tumuloy si Juan Obrero sa iba’t ibang parte ng Maynila.

Nagprisinta, Nagsumamo, Nagmakaawa.

Hanggang siya’y makuhang sidewalk vendor.

At si Juan Obrero ay naging sidewalk vendor.

Nagbenta ng kun anu-ano.

Komiks, komiks kayoriyan!

Bulletiiiiin! Daily Expreeeeees!

Juicy – Juicy – Juicy!  Pisbol,  Pisbol!

Aaaaaah… mani-mani-mani-mani-mani!

Aaaaaah… mani-mani-mani-mani-mani!

Maa, Philip? Marlboro? Sampiyon?

Hala, bargeyn lapit lapit dito!

       Jockey para kay Lolo

       Shorts para kay Lola!

At si Juan Obrero

Ay nagtago sa pulis.

Nagmulta sa pulis.

Nakipagsigawan! Nakipaghabulan!

Nakipaggitgitan! Nakipag-unahan!

Nakipagtawaran! Nakipagbaratan!

Isang araw, dumating ang dambuhalang walis .

Winalis si Juan Obrero mula sa bangketa.

Sabi daw kasi ng turista,

Very unruly ang mga sidewalk vendors

Sabi daw kasi ng turista,

Very uncivilized ang mga sidewalk vendors

Kaya’t winalis si Juan Obrero mula sa bangketa.

 

VIII

 

Pinasukan ni Juan Obrero ang iba’t ibang trabaho.

Kahista sa palimbagan. Kompositor.

Dyanitor sa opisina. Kaminero. Basurero

Textile worker. Tagalagay ng takip ng bote ng ketsap.

Piyon. Karpintero. Pintor. Barnisador.

Tagagawa ng sapatos. Ng silya. Ng pagkain.

Ng damit. Ng tabla.

At maraming-marami pang iba.

At sa bawat trabaho

Ay marami ang bawal.

Bawal ang magreklamo.

Bawal ang humingi ng mas mataas na suweldo.

Bawal ang mag-unyon.

BAWAL IPAGLABAN ANG SARILING KAGALINGAN!

 

Awit ni Juan Obrero

 

Bakit ako niyuyurakan

Bakit ako inaapi

Di ba’t sa akin din nanggaling

Ang puhunan?

 

Bakit ang suweldo’y di sapat

Gayong tubo’y sadyang malaki

Bakit kami walang unyon

Pag nagprotesta ay sinasaktan?

 

Koro:

Welga, Welga

Welga, Welga

Siyang tanging lakas

Sinumang lumikha ng yaman

Ay siyang dapat magtamo nito

 

Welga, Welga

Welga, Welga

Siyang tanging lunas

Karapatan ay ipaglaban

Nang kagalinga’y matamo.

 

Kapitalista at pamahalaan

Tila ngayo’y magsapakat

Ang manggagawa’y iniipit

Nang husto…

Di laging baya’y nagdurusa

Masang api ay titindig din

Uring manggagawa ang kanilang bisig

 

(Ulitin ang koro)

 

 

IX

 

Masdan si Juan Obrero, Pilipino

Wala siyang ari-ariang malaki,

Ang sariling lakas ay ipinagbili niya sa puhunan upang mabuhay.

Masdan si Juan Obrero, Pilipino.

Siya ay lumikha ng yaman ng mundo

Subalit di siya kabahagi ng yamang ito.

Subalit di siya pinahihintulutang makibahagi sa yamang ito.

Kayat hayun siya, naglalakad, naglalakad, naglalakad.

Umaakyat sa bundok.

Tumatawid sa mga ilog.

Binabagtas ang mahahabang daan.

Upang ituwid ang mga kabalintunaan ng mundo.

Upang ang tunay na laya’y kamtan!

 

WAKAS

 

 

|HOME|